Paalam Tita Cory
MANILA, Philippines - Isang malalim na buntong-hininga umano ang narinig sa dating Pangulo nang ito ay bawian ng buhay habang hawak ang isang rosary.
“Bago siya pumanaw nandun ang kanyang mga anak. To be very exact, they were praying the Sorrowful Mystery, yung pang limang misteryo doon huminga ng kanyang huling hininga,” pahayag sa media ng TV host na si Boy Abunda na nasaksihan rin ang pagpanaw ng dating Pangulo.
Tahimik namang nag-iyakan at nagpatuloy nang panalangin ang pamilya.
‘Our mother, peacefully passed away at 3:18 am August 1, 2009 of cardio respiratory arrest. She would have wanted us to thank each and everyone of you for all the prayers and your continued love and support. It was her wish for all of us to pray for one another and our country,” nakasaad sa pahayag ng pamilya-Aquino na binasa sa media ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III.
Si Gng. Aquino ay na-diagnose na may colon cancer noong March 2008. Naratay ito sa Makati Medical Center ng mahigit isang buwan bago ang kaniyang pagpanaw kahapon.
Una ng tinaningan ng kaniyang mga doktor si Gng. Aquino ng tatlong buwan simula ng ma-diagnose ito sa naturang karamdaman, subalit umabot pa ng mahigit 17-buwan ang itinagal ng buhay nito na itinuturing naman ng pamilya Aquino at mga supporters nito na isang milagro.
Magugunita na si Gng. Aquino ay nailuklok bilang kauna-unahang babaeng Presidente ng bansa matapos ang mapayapang “People Power” revolt noong 1986.
Bagama’t dumanas ng 7 coup attempts sa kaniyang panunungkulan ay nanatili itong matatag at natapos niya ang kaniyang anim na taon na pamumuno sa bansa noong 1992.
Si Gng. Aquino o Maria Corazon Cojuangco-Aquino sa totoong buhay ay ipinanganak noong Jan. 25, 1933, sa mayamang angkan Paniqui, Tarlac.
Nagtapos ito ng French degree sa College of Mount St. Vincent sa New York at noong 1954 ay ikinasal sila ni dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na nagmula rin sa mga angkan ng pulitiko. Lima ang kanilang naging anak na sina Ballsy, Pinky, Noynoy, Viel at Kris.
Public viewing
Pasado alas-5 ng madaling-araw nang ilabas sa Makati Medical Center ang mga labi ng dating Pangulo at dalhin ito sa Heritage Park sa Taguig City.
Mula sa Heritage Park ay tuluyang ibinurol kahapon ang mga labi sa La Salle Greenhills gymnasium kung saan pinayagan ang publiko na makita si Cory sa huling sandali.
Araw-araw na isasagawa ang public viewing simula alas-5 ng hapon hanggang alas-4 ng madaling-araw at muling bubuksan sa publiko alas-7 ng umaga hanggang bukas (Lunes).
Isasagawa ang huling lamay at necrological service sa Martes sa Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila.
Nakatakdang ilibing ang dating Pangulo sa Miyerkules sa Manila Memorial Park sa tabi ng libingan ng kanyang asawang si Ninoy matapos misa sa alas-9 ng umaga.
Walang state funeral
Nagdesisyon din ang pamilya Aquino na sa halip na isang state funeral, isang pribadong libing lamang ang idaraos ng pamilya.
“It won’t be a state funeral,” sabi ni Noynoy.
Kalimitang binibigyan ng state funeral ang isang namayapang presidente ng bansa.
Pero sinabi ni Noynoy na sa simula pa lamang ay intensiyon na nilang idaos ang isang private funeral para sa kanilang ina dahil isa naman itong pribadong mamamayan simula nang bumaba sa puwesto.
“For all intentions and purposes, she had been a private citizen after stepping down,” ani Noynoy.
- Latest
- Trending