MANILA, Philippines - Pormal nang nagdeklara kahapon si Sen. Jamby Madrigal ng pagtakbo bilang Pangulo sa 2010 elections.
Sinabi ni Madrigal na makaraan ang kanyang dalawang linggong retreat ay nagdesisyon siya na tumakbo bilang Presidente.
Nagbunsod aniya ang kanyang desisyon makaraang himukin siya ng sambayanan at iba’t-ibang grupo para tumakbong Pangulo.
Sinabi ni Madrigal na simple lamang ang kanyang layunin, ang maglingkod nang tapat sa bayan.
“My goal is selfless service, pure and simple. I will pay my debt only to the country. This country has given me so much and my gift to our people is to change their lives for the better,” banggit ni Madrigal.
Pagmamalaki pa nito, kahit minsan ay hindi niya ginamit ang kanyang posisyon bilang senador para lamang sa personal gain.
Patunay lamang aniya nito ay ang pagboto laban sa EVAT, JPEPA, anti-terrorism law at ang patuloy na paglaban sa korapsyon.
Nakatakdang magharap ng kanyang candidacy si Madrigal sa Nobyembre 30 at bilang miyembro ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban), pinag-uusapan na rin kung sino ang kanyang magiging running mate.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Political Adviser Gabriel Claudio na hindi minasama ng Malacanang ang nasabing desisyon ni Madrigal dahil kwalipikado naman aniya ito, ngunit malabo na maisakatuparan pa ni Estrada ang adhikain nitong mapag-isa pa ang oposisyon.
Tiniyak din ni Madrigal na hindi siya papayag na kumandidato lamang vice president dahil buo na ang kanyang desisyon para sumabak sa presidential race. (Malou Escudero/Rudy Andal)