MANILA, Philippines - Sa taong 2010 pa posibleng maipatupad ng Manila Electric Company ang pagkakaroon ng “Prepaid Kuryente” sa bansa na malaking tulong sa mga pamilyang nagtitipid sa konsumo sa kuryente.
Sinabi ni Joe Saldar raga, manager ng Meralco External Affairs for Communications, kalalabas pa lamang ng “guidelines” buhat sa Energy Regulatory Commission (ERC) at kanila pa itong pag-aaralan upang makabuo ng proposal kung paano ipatutupad ang “prepaid kuryente”.
Maaaring sa susunod na taon pa umano tuluyang maplantsa ang mga “mechanics” nito tulad ng aspeto ng paggamit ng prepaid card, pagpapalit ng metro, aspeto sa marketing, gagamiting teknolohiya, at iba pang mga gastusin.
Sa kabila nito, tumatakbo na ngayon ang “pilot testing” ng prepaid kuryente sa ilang bahagi ng Malabon City at patuloy pang inaanalisa ng Meralco ang pagiging epektibo nito.
Sinabi naman ni Dina Lomotan, tagapagsalita ng Meralco na sagot ang “prepaid kuryente” sa mga nagtitipid na pamilya dahil maaari nilang makontrol ang konsumo nito. Nangangahulugan rin ito na mababawasan na ang trabaho sa billings, pila sa mga bayad centers at pagbabasa ng metro ng mga tauhan ng Meralco.
Wala rin umanong reconnection fee kung biglang mauubos ang load dahil tulad ng cellphone load ay kailangan lamang mag-reload upang muling bumalik ang kuryente. (Danilo Garcia)