GMA-Obama meet naging mabunga
MANILA, Philippines -Ipinagmalaki kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mabunga ang 45 minutong pakikipag-usap niya kay United States President Barack Obama sa Oval Office ng White House sa Washington.
Sinabi ng Pangulo na sinentruhan ng pag-uusap nila ni Obama ang counter-terrorism campaign, global financial crisis, climate change at nuclear proliferation.
Binanggit pa niya na puring-puri ni Obama ang tulong ng Pilipinas sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Asya.
Tiniyak naman ni Obama na tutulong ang US government sa Pilipinas upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Sa ginanap naman na joint briefing nina Pangulong Arroyo at Presidente Obama, may light moment na tanong sa dalawang lider.
Ayon kay Pangulong Arroyo, “she found Obama, warm and welcoming.” Sagot naman ni Obama, “she has great personal charm.”
Tila walang epekto ang ipinadalang open letter ng mga kritiko ni Pangulong Arroyo kay Obama na si dating Senate President Franklin Drilon at iba pang oposisyon na dapat umanong mag-ingat ang US president dahil ang kakausapin daw nitong lider ay balot ng alegasyon ng katiwalian at paglabag sa karapatang pantao.
Dahil sa paghanga kay Gng. Arroyo, itinalaga ni Obama ang Pilipinas bilang coordinator ng US sa mga programang ilulunsad nito sa Asian region partikular sa environment protection.
Samantala, habang nagaganap ang pulong, nag-rally sa labas ng White House ang ilang miyembro ng grupong anti-Gloria at pro-Gloria.
- Latest
- Trending