MANILA, Philippines - Hindi natuloy kahapon ang nakatakdang arraignment ni dating police Superintendent Glen Dumlao sa Manila Regional Trial Court branch 18, kaugnay ng kasong double murder sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Manuel Corbito noong 2000.
Ito’y matapos na igiit ng abogado ni Dumlao na si Atty. Aurelio Agood na pag-aaralan muna nila ang records ng mga kaso.
Dahil dito itinakda ni Judge Myra Garcia-Fernandez sa darating na Agosto 26, alas-2 ng hapon, ang arraignment.
Kaugnay nito, posibleng hindi maging “state witness” si Dumlao, dahil hindi kuwalipikado bunsod ng kanyang pagiging isang dating pulis nang mangyari ang krimen kung kaya’t magiging isang ordinaryong witness na lamang ito laban sa kanyang mga kapwa akusado.
Samantala sinabi naman ni Atty.Dante David, abogado ng iba pang mga akusado, na hindi naman problema sa kanilang panig kung sakaling maging ordinary witness si Dumlao, dahil meron namang cross examination sa korte.
Mananatili naman sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) si Dumlao, dahil hindi pa naman nagpapalabas ng ruling ang korte kung kuwalipikado ito sa Witness Protection Program. (Doris Franche)