Lapid ipinuwera sa GMA-Obama meet
MANILA, Philippines - Napabilang nga si Senador Lito Lapid sa 23 mambabatas na kasama ni Pangulong Arroyo sa pagbiyahe sa United States pero hindi siya isasama sa pakikipagpulong ng Punong Ehekutibo kay US President Barack Obama na itinakda ngayong araw na ito.
Ayon kay Presidential Deputy Spokesperson Lorelei Fajardo, tangi lang makakasama ng Pangulo sa pagharap kay Obama sina Executive Secretary Eduardo Ermita, Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo, Ambassador to Washington Wilfredo Gaa, House Speaker Prospero Nograles at Sen. Miriam Defensor-Santiago na tagapangulo ng Senate committee on foreign relations.
Inamin ni Lapid sa isang panayam ng mga reporter na personal niyang hiniling sa Pangulo na isama siya sa pakikipag-usap nito kay Obama na kanyang hinahangaan pero nabigo siya. Ipinahiwatig niyang inasam niyang makaharap si Obama kahit makinig lang siya sa pulong dahil baka hindi na maulit ito sa susunod na panahon.
Kinumpirma rin ni Lapid na kakandidato na lang siyang gobernador ng Pampanga sa halalan sa susunod na taon. Inayunan anya ito ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo.
Nabatid na kakandidatong muli sa pagkakongresista si Rep. Arroyo taliwas sa natsitsismis na kakandidato sa Pampanga ang Pangulo pag-alis nito sa Malakanyang sa 2010. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending