668 dayuhan di pinapasok sa bansa -- Libanan
MANILA, Philippines -Umaabot na sa 668 mga illegal aliens ang hindi pinayagang makapasok ng Bureau of Immigration (BI) sa bansa sa unang tatlong buwan ngayon taon.
Sa ulat ni BI Immigration Regulation Division (IRD) Chief Gary Mendoza kay Commissioner Marcelino LIbanan, ang mga illegal na dayuhan ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) samantalang ang iba pa ay sa iba pang paliparan sa bansa tulad ng Cebu, Clark at Davao.
Bilang bahagi ng standard operating procedure, kaagad hinarang sa airport ang mga ito at inilagay sa immigration blacklist upang hindi na muling makabalik sa Pilipinas.
Ayon kay Mendoza, karamihan sa mga naharang ay mayroong mga pekeng travel documents at pinaghihinalaang ang iba dito ay biktima ng sindikato ng human trafficking.
Karamihan umano sa mga sindikatong ito ay ginagamit ang Pilipinas bilang transit point para sa mga biktima nila patungong US, Canada at Europe, wika naman ni Libanan.
Ayon pa kay Libanan, hirap nang makalusot ang illegal aliens sa NAIA dahil sa matinding training na pinagdaraanan ng immigration officers sa pagtingin sa mga pasahero at pagsala sa mga pekeng travel documents.
Base sa record ng BI simula Enero hanggang Hulyo lumalabas na 76 Koreans ang nangunguna sa listahan sumunod dito ang Chinese, 68, Japanese, 39, Indians, 28, Americans, 27, Taiwanese, 21, Singaporeans,11, Malaysian,9, Britons, 9 at 8 Australiano. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending