SONA ni GMA masusundan pa
MANILA, Philippines - Marami pang SONA ang maririnig umano mula kay Pangulong Gloria Arroyo sa mga susunod na taon dahil hindi niya nilinaw sa sinasabing huli niyang State of the Nation Address noong Lunes na hindi na siya kakandidato sa halalang pampanguluhan sa 2010.
Ito ang palagay ng negosyanteng kritiko ng Pangulo na si Joey de Venecia III na nagsabi pa na sinayang ng Punong Ehekutibo ang pagkakataon sa huling SONA sana nito na makuha ang simpatya ng publiko.
Sinabi ni de Venecia na hindi ipinahayag ng Pangulo ang planong pulitikal nito sa susunod na taon kaya lalong naghihinala ang mamamayan na patuloy na kakapit sa kapangyarihan si Gng. Arroyo.
Kung sakaling opisyal nyang ipinahayag sa kanyang SONA na wala na syang balak pang palawigin ang kanyang termino sa Malakanyang, maging ang mga kritiko niya ay posibleng bigyan sya ng standing ovation at masigabong palakpak ngunit hindi niya ito ginawa, ayon pa kay de Venecia.
Isang bagay lang ang masasabi ni de Venecia na maganda sa nakaraang SONA ni Gng. Arroyo, ang suot na gown nito na gawa ng sikat na fashion designer na si Inno Sotto. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending