MANILA, Philippines - Itinanggi ng Department of Health na sa Pilipinas nagmula ang AH1N1 virus na ikinamatay ng Pinay domestic helper sa Hongkong noong Lunes.
Ayon kay DoH-National Epidemiology Center director, Dr. Eric Tayag, walang sakit si Dolores Peralta Bauzon ng ito ay umalis ng bansa patungong Hongkong para magtrabaho dito at ipinasuri na rin nito ang mga kaanak at lahat ng mga taong nakasalamuha nito kung saan pawang negatibo ang mga ito sa naturang virus.
Kasabay nito, pinayuhan din ni Tayag ang mga Pinoy na nais lumabas ng bansa na kanselahin muna ang kanilang flight lalo na kung mayroon silang flu-like symptoms para maiwasan itong lumala o makapaghatid ng sakit sa ibang bansa.
Batay sa ulat ni Philippine Consul General Claro Cristobal, si Bauzon, 37, tubong Tarlac, ay nagkaroon lamang ng flu-like symptoms, isang araw matapos itong dumating sa Hong Kong noong Hunyo 28 upang magtrabaho sa isang mag-asawa na naninirahan sa Kwun Tong. Ngunit ito ay na-confine noong Hulyo 7 dahil umano sa malubhang pneumonia ngunit namatay noong Lunes at nadiskubreng may taglay na mabagsik na AH1N1 virus. (Doris Franche)