MANILA, Philippines - Nilagdaan na kahapon ni Pangulong Arroyo ang Executive Order (EO) upang ibaba ng 50 porsyento ang presyo ng mga gamot na nakapaloob sa Maximum Drug Retail Price (MDRP) matapos mabigong boluntaryong ibaba ng mga drug companies ang presyo ng kanilang mga gamot.
Pinirmahan ni Pangulong Arroyo ang EO 821 kung saan ay obligadong ibaba ng 50 percent ang presyo ng mga gamot na nasa MDRP list tulad ng gamot sa anti-hypertensive, anti-cholesterol, anti-bacterial, anti-neoplastic/anti-cancer.
Sa ilalim ng nilagdaang EO, magiging epektibo ang kautusang ito sa Agosto 15 kaugnay sa pagpapatupad ng Cheaper Medicine Law.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang mga naturang gamot na “compulsory” na bababaan ng presyo ay panglunas sa cancer na Doxorubicin at Cytarabine; Amlodipine na anti-high blood; Azithromycin na para sa impeksyon at anti-high cholesterol na Atorvastatin. Ang naturang limang gamot ay kabilang sa 21 essential medicines na inirekomenda ng pamahalaan na bababaan ng presyo.
Gayunman,16 lamang sa mga ito ang boluntaryong ibinaba ng mga drug firms ang presyo, habang ang naturang limang brand ng medisina ay inirekomenda umano ng mga ito na kakaltasan lamang nila ng mula 30-35 porsyento.
Dahil dito kaya nilagdaan ni Pangulong Arroyo ang naturang EO upang isailalim sa compulsory cut price ang presyo ng mga naturang gamot na hindi isinama sa pagbaba ng presyo.
Sinabi ni Dr. Roberto So, pinuno ng DOH-national drug program na pagpasok ng Setyembre 16, lahat ng botika na hindi susunod sa 50% price cut sa 21 essential medicines ay kanilang kakasuhan.
Nilinaw naman ni So na kahit pa mayroong price slash, epektibo pa rin ang 20% discount ng mga senior citizen sa bansa. (Rudy Andal/Doris Franche)