MANILA, Philippines - Isang pahayagan sa United States na Washington Times ang naghayag sa editorial nito kahapon na isang pagkakamali umano ang imbitasyon ni U.S. President Barack Obama kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon sa editorial, magsisilbi lang si Obama bilang pampabango sa administrasyon ni Arroyo na natigmak ng mga katiwalian, pang-aabuso sa karapatang-pantao at usap-usapan sa pagpapalawig ng panunungkulan nito.
Pero minaliit lang ng Malacañang ang naturang editorial sa pagsasabing naaangkop lang ito sa imahen ng Washingtong Times bilang kritiko ni Obama.
Bukod dito, ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, ang managing editor ng naturang pahayagan na si Brett Dekker ay isang biographer ni dating House Speaker at Pangasinan Congressman Jose de Venecia na isa na ngayon sa mga kritiko ni Gng. Arroyo.
Idiniin din ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez na hindi na nila pinapansin ang editorial dahil si Dekker ang sumulat nito. Takdang magtungo si Gng. Arroyo sa U.S. sa Hulyo 30. (Rudy Andal)