Trader tinakot daw ng Ruby Rose witness

MANILA, Philippines - Isang testigo ang nag-akusa sa Ruby Rose Jimenez murder witness ng pananakot umano sa kanyang dating amo na palalabasing sangkot ito sa oil smuggling at guguluhin ang negosyo nito kung hindi siya bibigyan ng P2 milyon matapos siyang tanggalin sa trabaho noong 2008.

Sinabi ni Eljan Colinares sa sinumpaang salaysay nito sa Department of Justice na siya ang naka­tanggap ng tawag mula kay Manuel Montero noong Mayo 2008 at pinasasabi sa kanilang amo na si Lope Jimenez, may-ari ng BSJ Fishing and Trading Corporation, na mag­susumbong umano ito sa mga awto­ridad hinggil sa oil smuggling activities nito kung hindi siya bibigyan ng P2 milyon.

Ayon kay Colinares, radio operator ng BSJ, ikinagulat niya ang tawag ni Montero dahil tinanggal na ito sa trabaho ni Jimenez dahil sa umano’y pagnanakaw sa kumpanya.

Wika pa ni Colinares, hindi pinansin ni Jimenez ang banta ni Montero dahil wala namang illegal silang ginagawa sa BSJ.

Biglang sinalakay ng Customs Intelligence and Investigation Service ng Bureau of Customs ang BSJ sa fish port commercial center sa Pier 2 sa Navotas City at kasunod na sinalakay din ang BSJ office sa Gozon compound sa Letre Road, Tonsuya, Malabon City noong Agosto 2008 dahil sa sumbong daw ni Montero na may oil smuggling activities ang BSJ. Nabigong mapatunayan ng CIIS na may oil smuggling ang BSJ.  (Rudy Andal)


Show comments