SONA inisnab ng ilang mambabatas
MANILA, Philippines - Tulad ng inaasahan, kalahati ng mga miyembro ng Senado ang hindi dumalo sa pinakahuling State of the Nation Address ni Pangulong Gloria Arroyo.
Kabilang sa mga nang-isnab sa SONA ng Pangulo sina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., Senators Manuel Villar Jr., Francis Escudero, Francis Pangilinan, Panfilo Lacson, Jamby Madrigal, Jose Estrada, Joker Arroyo, Benigno Aquino III, Alan Peter Cayetano, Mar Roxas, at ang nakapiit pa ring si Antonio Trillanes IV.
Bagaman at kilalang maka-administrasyong senador, taun-taon ay hindi dumadalo sa SONA si Joker Arroyo.
Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, wala namang epekto sa joint session ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang hindi pagdalo ng mga senador dahil hindi naman kinukuwestiyon ang quorum tuwing may SONA.
Ilan ding oposisyong kongresista ang hindi dumalo sa SONA tulad ng mga militanteng partylist representatives na mas piniling sumama sa mga anti-government protesters sa labas ng Kongreso. (Malou Escudero at Butch Quejada)
- Latest
- Trending