De Lima kinasuhan ng 'indirect contempt'

MANILA, Philippines - Ipinagharap ng kasong ”indirect comtempt” si Commission on Human Rights chairperson Leila de Lima dahil umano sa pagsasalita ng hindi maganda sa korte sa isang national television makaraang hindi makakuha ng ‘search warrant’ sa Davao City.

Si De Lima ay kinasuhan ni Bienvenido Laud, isang asindero sa Bgy. Ma-a, Davao City, kung saan dinala ng mga pulis ang isang preso nang walang court order sa utos diumano niya at House Speaker Prospero Nograles.

Sa reklamong isinampa ni Laud sa Davao City Regional Trial Cout Br. 15, nilait umano ni De Lima ang mga hukom ng Davao na tinuringan niyang “uncooperative and obstructionists” at sinising sangkot sa problema sa mga kaso ng salvaging o summary executions.

Ani Laud, nilabag umano ni de Lima ang Rule 71 ng Rules of Court o “indirect contempt of court of law” nang ipangalandakan niya sa kanyang panayam sa TV ANC Top Story na “mga duwag, pasaway at mapang-hadlang” si RTC Br. 15 Presiding Judge Ridgway Tangili at iba pang lokal na hukom.

Ginawa umano ni de Lima ang pagpaparatang sa mga hukom makaraang hindi makakuha ng ‘search warrant’ sa Davao RTC hinggil sa ginagawang paghuhukay sa mga buto ng mga hinihinalang biktima ng DDS sa lupain ni Laud.

Show comments