MANILA, Philippines - Nakauwi na kahapon ng hapon dito sa Pilipinas ang 26 na driver na Pilipino na nabiktima ng illegal recruiter at napaulat na naistranded at namumulot na lang ng kamatis para mabuhay sa Dubai.
Kinilala ng Overseas Workers Welfare Administration ang mga drivers na sina Aga Bernardino, Rabinal Anonuevo, Myco Asistin, Zaldy Austria, Antonio Balbosa, Jossie Bantillan, Enrico Barrera, Reynaldo Bernardino, Francisco Bulalacao, Erwin Carbonel, Edilberto Cherreguine, Simplicio Cortez, Teodoro Dela Cruz, John Flores, Hector Francisco, Joel Garcia, Eduardo Gonzalez, Bernardino Hernandez, Valerio Lazatin, Marlon Magat, Dennis Maniego, Nicolas Pascual, Ricardo Samaniego, Felix Torres, Samson Visico at Domingo Zubieto.
Dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport dakong alas-3:30 ng hapon sakay ng Gulf Air flight 2256. Sila ay sinalubong ng kanilang mga pamilya at ni OWWA Administrator Carmelita Dimson.
Ayon kay Dimson, napaso ang mga visit visa ng mga umuwing OFWs na naging dahilan ng pagpapauwi sa mga ito.
Naunang pinangakuan ng CYM International Services and Placement Agency ang mga biktima na mababago at magiging working visa ang visit visa na gagamitin nila pagpasok sa Dubai pero hindi ito nangyari pagdating nila roon at naistranded sila dahil wala silang makuhang trabaho. (Ellen Fernando)