GMA, pinahihingi ng 20,000 nurses quota kay Obama
MANILA, Philippines - Giniit kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na dapat humirit ng 20,000 quota para sa mga Filipino nurses si Pangulong Gloria Arroyo kay US President Barack Obama sa pagkikita nila.
Ayon kay Pimentel, nalaman niya sa kanyang pagdalaw sa Amerika na aabot sa 1 milyong nurses ang kakailanganin ng nasabing bansa pagsapit ng 2020.
Malaking bagay aniya kung hihirit ang Pangulo ng 20,000 na quota para sa mga Filipino nurses at huwag nang pahirapan ang mga ito pagdating sa pagkuha ng visa.
Nalaman din umano ni Pimentel na patuloy ang pangangailangan sa nurses ng bansang Amerika pero nahihirapan lamang ang mga Pinoy nurses na makakuha kaagad ng visa.
Malaking tulong aniya para sa mga nurses natin kung maihahatid ni Pangulong Arroyo ang kanilang mga hinaing sa gobyerno ng Amerika partikular kay President Obama. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending