PNP, AFP red alert na sa SONA
MANILA, Philippines - Ngayon pa lang ay nakaalerto na ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines-National Capital Region Command para sa seguridad ng isasagawang State of the Nation Address ni Pangulong Gloria Arroyo sa Batasan complex bukas.
Bunsod nito’y pinangunahan nina AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado at AFP-National Capital Region Command Chief Major Gen. Jogy Leo Fojas ang ‘mustering’ at pag-iinspeksyon ng tropa ng mga sundalo, mga tangke at military truck sa Camp Aguinaldo.
Magugunita na ang AFP-NCRCOM ay binuo bilang anti-coup unit, matapos ang bigong destabilisasyon ng Magdalo group noong Hulyo 27 sa Oakwood hotel, Makati City, laban sa gobyerno.
Ngayon din ang deklarasyon ng full alert status ng PNP, kung saan mag papakalat ang NCRPO ng 10,000 pulis sa mga lugar na pagdarausan ng mga rally bukas lalo na sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at Mendiola.
Ikinatuwiran naman ni Ibrado na bagama’t walang nakikitang banta sa administrasyon ay mas makabubuting alerto ang buong pwersa ng AFP at PNP.
Inaasahan naman ni Fojas na kung may maghahasik man ng kaguluhan ito ay posibleng mula sa kampo ng mga rebeldeng New People’s Army.
- Latest
- Trending