Cory 'pinatay' sa text
MANILA, Philippines - Bahagyang nagkagulo at nabalutan ng luha at lungkot ang mga dumalo sa isang misa para kay dating Pangulong Corazon Aquino sa bulwagan ng Manila City Hall nang “makuryente” ang officiating priest na si Fr. Mark Munda na naghayag na pumanaw na ang una kahapon.
Katatapos lamang ng misa nang hilingin ni Munda na magdasal matapos na makatanggap siya ng text message ng asawa ng isang dating goverment official na nagbalitang patay na si Aquino. Dito na nagsimulang mag-iyakan ang mga empleyado ng city hall at iba pang dumalo sa misa.
Lumilitaw na si dating Supreme Court Justice Adolf Azcuna ang nagbigay ng impormasyon kay Munda na nakuha naman ni Azcuna sa misis ni dating Interior Secretary Cesar Sarino.
Ayon kay Azcuna, sinabi sa kanya ni Sarino na may natanggap itong text na pumanaw na ang dating pangulo subalit itinatanggi naman ito ni Sarino.
Laking gulat naman ni Margie Juico sa report at pinabulaanan ang impormasyon kung saan sinabi nito na nakausap niya ang anak ni Gng. Aquino na si Pinky at sinabing buhay ang kanilang ina. Maging si Fr. Munda ay nagulat sa paglilinaw ni Juico.
Dahil dito, mangiyak-ngiyak na nanawagan si Juico na tigilan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon dahil hindi ito nakakatulong sa paggaling ng dating pangulo. Aniya, dapat na munang bineripika ang impormasyon bago isinagawa ang pahayag.
Mas kailangan ngayon ng pamilya Aquino ang dasal at suporta at hindi ang mga maling impormasyon at paninira.
Maging ang embahada ng Britain sa Pilipinas ay “nakuryente” ng maling balita at nagpadala pa sa mga reporter ng pahayag ng pakikiramay sa pamilya Aquino.
Gayunman, agad na humingi ng paumanhin ang Britsh Embassy sa maling impormasyong ito.
Nauna rito, ipinalabas ni Foreign Affice Minister Lord Malloch Brown ng British Embassy ang isang pahayag na nagsasaad ng pakikiramay at kalungkutan sa sinasabing pagyao ng dating Pangulo.
“Humihingi po kami ng taos-pusong paumanhin. Lumalabas na mali ang nakuha naming impormasyon,” sabi ng embahada. “Salamat sa inyong pang-unawa.”
Kasalukuyang nakaratay si Aquino sa Makati Medical Center dahil sa sakit niyang colon cancer.
Samantala, nagkulay-dilaw ang palibot, mga punong-kahoy, gusali pati na ang mga sasakyan sa iba’t ibang lugar sa Kalakhang Maynila lalo na sa Makati City nang simulan kahapon ang pagtatali ng mga dilaw na laso o yellow ribbons upang ipadama ang suporta, pagmamahal at simpatiya ng publiko kay Aquino.
Una ng ginamit ang ganitong kampanya noong panahon na pinatatalsik si dating pangulong Ferdinand Marcos noong dekada 80 para maipakita ang suporta kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino ng lumaban ito sa una para maibalik ang demokrasya.
- Latest
- Trending