MANILA, Philippines - Dahil sa hindi matagpuan sina Carolina Hinola at Namnaman Pasetes ng Legacy Group of Companies ay hindi maise-serve ang warrant of arrest laban sa kanila na inirilis kamakailan ng RTC-Misamis Oriental Branch 24.
Ayon sa mga operatiba ng CIDG na humiling na huwag nang mabanggit ang mga pangalan dahil sa kanilang isinasagawang maselang operasyon, hindi matagpuan si Hinola sa Lot 11 Block 6, Goodwill Homes, San Bartolome, Novaliches, Quezon City, samantalang si Pasetes ay wala din sa 31-A Road 7, Proj. 6, Quezon City. Ang mga arresting officer ay nabigo na madakma ang dalawa sa mga nasabing address at nakatanggap umano sila ng classified report na tumutuloy na ang mga ito sa ibang lugar.
Maaalalang sina Hinola and Pasetes ay ang dalawang ehekutibo ng Legacy Group of Companies na lumutang kamakailan sa high profile na mga pagdinig sa Senado. Nadismaya naman ang mga investors, plan-holders at creditors sa balitang nanatiling nakalalaya ang dalawa kahit na may mga warrant pa ang mga ito at no bail ang rekomendado ng hukuman.
Sinabi ng mga ito na dapat nang maaresto ang dalawa sa lalong madaling panahon. Naniniwala naman sila na maliwanag ang naging partisipasyon ng dalawa bilang mga pinakamatataas na opisyal ng Legacy at sa kagustuhang mailigtas ang mga sarili’y nagtuturo ng kung sino at napilitang gumawa ng mga salaysay samantalang prinsipal sila sa pagkakalugmok ng nasabing business empire.
Bukod sa mga investors, plan-holders at creditors, inginuso din sila Hinola at Pasetes ng limang Legacy bank presidents at dalawang BSP investigators bilang mga pangunahing persona sa pag-ubos ng pondo mula sa Legacy treasury.
Sa mga kasong ipinayl ng BSP sa DOJ, isinasaad ng mga affidavits ng limang pangulo ng ilang isinaradong mga bangko ng Legacy na sina Hinola at Pasetes nga ang nag-utos sa kanila na ilipat ang mga pondo ng mga bangko sa ilang mga accounts.