Amerikanong pedopilya inilagay sa blacklist ng Bureau of Immigration
MANILA, Philippines - Tuluyan nang inilagay sa immigration blacklist ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American pedophiles na nasentensiyahan dahil sa pangmo-molestiya sa mga menor-de-edad at pagkakasangkot sa child pornography.
Si Charles Russel West Mowder, 42 ay inilagay sa immigration blacklist base sa kautusan ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan matapos na rin hilingin ng Filipinang asawa nito na huwag na itong pabalikin sa bansa para na rin sa kaligtasan ng kanyang anak.
Nilinaw naman ni Libanan na nakasaad sa Philippine Immigration Law na maaring hindi na papasukin sa bansa ang isang dayuhan na sangkot sa moral turpitude.
Base sa reklamo ni Ms. Mowder, hindi dapat makabalik sa bansa ang kanyang asawa dahil takot na muling maulit ang pang-aabuso nito sa kanilang anak.
Si Mrs. Mowder din ang nagsumbong sa BI na napiit sa department of Illinois ang asawa dahil sa kasong child molestation at possession ng pronographic materials.
Sa reklamo ni Mowder, ikinasal sila noong 2003 subalit nakipag-hiwalay din ito matapos niyang madiskubre na sangkot ito sa pangmomolestiya sa mga menor-de-edad kabilang dito sa kanyang anak sa unang asawa. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending