Bureau of Immigration nakapuntos uli

MANILA, Philippines - Muling nakapuntos ang kampanya ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Nonoy Libanan laban sa mga dayuhang pugante sa pagkakahuli ng isang Amerikano na nasa wanted list ng US federal authorities sa kasong pagnanakaw.

Sa kanyang ulat kay Libanan, kinilala ni BI-Interpol unit head Floro Balato Jr. ang Amerikano na si Cesar Palacios Canto, 55, at tubong Louisiana.

Kasama ang ilang tauhan ng US marshals, nahuli ng mga operatiba ng BI-Interpol si Canto noong July 14 sa tahanan nito sa Iloilo City. Inaresto si Canto sa bisa ng mission order na inilabas ni Libanan batay na rin sa kahilingan ng US embassy sa Manila.

Tinawag ni Libanan na malaking accomplishment para sa BI ang pagkakahuli kay Canto habang pinapatindi ng ahensiya ang kampanya nito laban sa mga dayuhang pugante na nagtatago sa bansa.

Ayon kay Balato, may inilabas na dalawang federal warrants of arrest laban kay Canto at nasa wanted list na ng Federal Bureau of Investigation mula pa noong April 2006. Dalawang linggo ang nakalipas, naglabas ang Louisiana court ng panibagong warrant laban kay Canto, para sa kasong unlawful flight para makaiwas sa prosecution, matapos mapag-alaman na umalis na ito ng US. (Butch Quejada)

Show comments