10 Pinoy na nasawi sa Afghanistan kilala na
MANILA, Philippines - Kinilala na ng Overseas Workers Welfare Administration ang 10 Pinoy na namatay sa plane crash sa Afghanistan kamakalawa.
Ang mga biktima ay sina Marvin Najera, Manolito Hornilla, Leopoldo Jimenez, Ely Carino, Rene Taboclaon, Ernesto de Vega, Ricardo Vallejos, Celso Caralde, Noli Vista, at Mark Joseph Mariano.
Sinabi ng OWWA na tatlo sa 10 nabanggit na OFWs ay undocumented. Gayunman, nilinaw ng ahensya na bagaman dokumentado ang pitong Pinoy workers ay illegal ang kanilang pagtatrabaho sa Afghanistan dahil sa pinaiiral na deployment ban ng gobyerno na ipinatupad noong Disyembre 2007.
Nilinaw pa na dahil sa hindi na aktibong OWWA member, hindi makakatanggap ng P200,000 insurance benefit ang mga nasawing OFWs.
Gayunman, handa ang OWWA na tulungan ang pamilya ng mga biktima sa kanilang repatriation pauwi sa Pilipinas at magbibigay ng livelihood at libreng scholarship sa naiwang mga anak ng mga biktima.
Bukod sa Afghanistan, hindi rin pinapayagan ang mga Filipino workers na magtungo sa Iraq, Lebanon at Nigeria. (Ellen Fernando/Mer Layson)
- Latest
- Trending