MANILA, Philippines - Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang hatol na habambuhay na pagkabilanggo sa dating alkalde ng lalawigan ng Quezon at driver nito dahil sa pagsasakay sa ambulansya ng mahigit sa 500 kilo ng shabu noong taong 2001.
Sa 23-pahinang desisyon ng CA 14th division, binalewala ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang petition ng driver nito na si Javier Morilla na baliktarin ang naunang desisyon ng mababang hukuman laban kay Panukulan Mayor Ronnie Mitra.
Sa record ng korte, si Mitra ay nagmamaneho ng kanyang van na naglalaman ng anim na sako ng shabu samantalang si Morilla ay minamaneho naman ang ambulansya lulan ang may 10 sako ng nasabing droga na umaabot sa 503 kilo ng masabat ng anti-narcotics operatives sa Brgy Kiloloran, bayan ng Real noong Oktubre 31, 2001 habang patungong Maynila.
Sa apeal ni Morilla, inakala lamang umano nito na may karga siyang wooden tiles at nalaman lamang niya na shabu pala ito nang masabat na sila ng mga otoridad.
Sinabi naman ng korte na mahirap paniwalaan si Morilla na wala itong alam sa tunay na laman ng sako kaya hindi balidong depensa ang kanyang pagiging ignorante dahil malaking pagkakaiba ang hugis at laki ng wooden tile mula sa isang crystalline substance. (Gemma Amargo-Garcia)