10 Pinoy patay sa chopper crash sa Afghanistan
MANILA, Philippines – May 10 overseas Filipino workers ang sinasabing kabilang sa 16 katao na nasawi matapos na bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter sa pinakamalaking base ng North Atlantic Treaty Organization sa Afghanistan noong Linggo.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs, bukod sa 16 na nasawi, limang katao pa ang sugatan sa naturang trahedya.
Ang mga biktima ay sakay ng M1-8 civilian transport helicopter nang bumagsak ito noong Linggo sa southern Kandahar Air Field sa Afghanistan.
Ang mga sugatan ay sinasabing kasalukuyang ginagamot sa NATO base.
Sa mga paunang ulat, sinasabing ang mga Pilipino ay pawang manggagawa ng Fluor Company ngunit tumanggi naman itong magbigay ng anumang impormasyon hinggil sa aksidente.
Sinasabing patungo sana ang helicopter sa Spin Buldak, ang border city sa pagitan ng Afghanistan at Pakistan, kung saan ipapadala ang mga manggagawang Pilipino nang maganap ang aksidente.
Gayunman, ilang minuto pa lamang matapos na mag-take off ang civilian helicopter sa Kandahar ay bigla itong nagliyab malapit sa runway at tuluyang bumagsak.
- Latest
- Trending