Bagman daw ng NBI 'nangongotong'
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na may mga alyas na Noel B. at Edwin R. na kapwa nagpapakilalang “bagman” umano ni National Bureau of Investigation Director Nestor Mantaring ang nanghihingi umano ng protection money o nangongotong sa mga gambling lord na kumikilos mula sa Region I (Ilocos) hanggang Region 5 (Bicol) ng bansa.
Kumakalat sa intelligence community ang ulat na isa umanong Atty. Santos ang inatasan nina Noel B. at Edwin R. para padoblehin ang nakukuha nilang ‘protection money’ sa illegal na pasugalan. Sakaling hindi umano magbigay ng hinihinging ‘kotong,’ ginagawa raw ‘utusan’ ng dalawang nabanggit ang mga ahente ng NBI para ipasalakay ang mga sugalang hindi ‘nakikisama.’
Layunin daw nito na makalikom ng P2 million para panggastos umano sa nalalapit na eleksiyon, bagay na dapat bigyang linaw ng NBI chief.
Mahigit isang buwan na umanong nangongotong sina Noel B. at Edwin R. na nagdedemoralisa sa mga organic personnel ng NBI dahil sa halip aniyang mga ‘high profile case,’ tulad ng pagbuwag sa kidnapping at iba pang organized crime syndicate ang inaasikaso ang ‘bureau,’ nakakaladkad ang maganda sanang pangalan ng nasabing ahensiya sa illegal na pasugalan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending