MANILA, Philippines - Hindi pabor ang mga Catholic Schools sa bansa sa panukalang ilipat sa Setyembre ang school opening upang maiiwas umano sa matinding ulan, bagyo at mga pagbaha ang mga estudyante, partikular na ang mga nasa Metro Manila.
Ayon kay Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) President, Monsignor Gerardo Santos, dapat munang pag-aralan at idaan sa konsultasyon ang naturang panukala dahil ang tatamaan aniya nito ay ang mga tinatawag na “province month” na Abril at Mayo.
Ipinaliwanag ni Santos na sa mga nasabing buwan ay nakaugalian na ng mga mag-aaral na umuwi ng kanilang lalawigan para doon gunitain ang mga cultural religious activities at heritage tulad ng Mahal na Araw, Flores de Mayo, kapistahan ng mga Santo.
Aniya, hinihikayat rin naman ng Simbahang Katoliko ang mga kabataan na talagang makilahok sa mga nasabing religious activities at maging aktibo sa parokya sa mga nasabing panahon.
Hindi anya problema sa mga catholic schools ang pagkakansela ng pasok kung may bagyo at iba pang emergency situation, dahil dinadagdagan na talaga nila ng lima hanggang anim na araw ang mga required school days.
Mas mahihirapan pa ang mga mag-aaral, partikular sa public schools, sa pagpasok at pag-concentrate sa kanilang mga aralin, sa panahon ng summer kung kailan “intolerable” aniya ang sobrang init ng panahon. (Mer Layson)