Tubig scam nabisto, ibinasura ng NEDA
MANILA, Philippines - Tahasang ibinasura ni National Economic and Development Authority Director General Ralph Recto ang isang maanomalyang proyekto ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System matapos matunugan na ito’y illegal at katulad ng kontrobersyal na National Broadband Network-ZTE contract.
Ang proyekto ay tungkol sa overpriced na $2 bilyong Laiban dam sa Tanay, Rizal na hindi umano dumaan sa public bidding.
Sa liham na ipinadala ni Recto kay MWSS Administrator Diosdado Jose Allado, sinabi niya na hindi katanggap-tanggap ang government guarantee na nakapaloob sa joint venture agreement ng MWSS at ng proponent na San Miguel Bulk Water Corp.. Ito ay dahil papasanin ng gobyerno lahat ng risk sa proyekto.
Tinuligsa rin ang dam project dahil sa lubhang napakataas na halaga ng paggawa ng dam na ipapasa din sa consumer sa pamamagitan ng mataas na singil sa tubig.
Nabatid na mas malaki sa NBN-ZTE scandal na naunang naimbistigahan ng Senado ang bagong kontratang nakahain sa lamesa ni Recto kung saan nagsisilbing chairman of the board si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bukod sa posibleng pagtaas ng singil sa tubig kada litro na nagkakahalaga ng P45.00 mula sa P30.00 water rate ng dalawang water concessionaires ngayon, humigit-kumulang 4,000 pamilya ang mawawalan ng tirahan sa bagong water supply project na napasakamay ng San Miguel Bulk Water Corporation.
Maging si Sen. Aquilino Pimentel ay pinalagan ang proyekto lalo pa’t P15.5 bilyon kada taon ang babayaran ng gobyerno sa SMBWC.
Malinaw ang P400 bilyong kikitain ng kumpanya sa loob ng 25-taon kung saan magiging pag-aari panghabang-buhay ang Laiban Dam project dahil renewable ang kontrata. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending