MANILA, Philippines - Aapurahin ng Commission on Elections ang pagsasagawa ng recount dahil sa nalalabing sampung buwan na lamang ng termino ni Pampanga Governor Ed Panlilio.
Ito’y kaugnay ng recall petition ng talunang kandidato sa pagka-gobernador na si Lilia Pineda, kasunod ng inilabas na kautusan ng Korte Suprema na ituloy ang recount.
Ayon kay Comelec chairman Jose Melo, agad niyang pasisimulan ang recount ng boto sa 2007 gubernatorial race sa lalawigan dahil 10 buwan na lamang at mawawalan na ng bisa ang pinagtatalunang puwesto at 2010 elections na.
Kabilang naman sa posibleng makaantala pa sa proseso bago pa ang writ of execution ng mananalo sa recount ay oposisyon ng matatalo na posibleng idulog muli sa Korte Suprema.
Kabilang sa magsasagawa ng recount ay sina Comelec Second Divison Commissioners Nicodemo Ferrer, Elias Yusoph at Lucenito Tagle. (Ludy Bermudo)