MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pagkaka-expose sa iba’t-ibang uri ng virus, partikular na ang swine flu o AH1N1, maging si Health Secretary Francisco Duque III ay itinumba na rin ng sakit.
Ayon sa ulat, ang kalihim ay tinamaan na ng common flu at ngayon ay nagsasagawa ng medikasyon upang mapalakas ang immune system at labanan ito.
Gayunman, agad nilinaw ni Duque sa isang panayam sa radyo na hindi niya kailangan na maisailalim sa quarantine dahil hindi naman aniya ito ang kinatatakutang AH1N1 virus.
Samantala, sinabi ni Duque na hanggang sa ngayon ay sinusuri pa rin ng Department of Health kung ano ang tunay na ikinamatay ng 43-anyos na guro sa Muntinlupa matapos na mapaulat na ito ay nasawi at nagpositibo sa swine flu.
Aniya, may natanggap silang balita na may sakit na tumor ang naturang guro bago pa man madiskubreng ito ay may taglay na swine flu.
Sa datos ng DOH, 2,668 kaso ng swine flu sa bansa hanggang noong July 9, 2009 at tatlo ang naiulat na namatay dito na kinabibila ngan ng isang kawani ng Kongreso, 73-anyos na lalaki at 19-anyos na dalaga. (Mayen Jaymalin)