May outbreak ng AH1N1, Baguio City inakyat ng DOH team
MANILA, Philippines - Umakyat na sa Baguio City ang team ng Department of Health kasama ang kinatawan ng World Health Organization para magsagawa ng kaukulang aksiyon hinggil sa paglaganap ng AH1N1 influenza doon.
Nabatid na ang nasabing lungsod ay idineklarang mayroong low-level community outbreak.
Sinabi ni Dr. Lyndon Leesuy, hepe ng re-Emerging Infectious Disease Program ng DOH, nagtutulong-tulong ang team ng DOH, kinatawan ng WHO at DOH regional office sa Baguio para hikayatin ang mga local government officials na gumawa ng hakbangin laban sa paglaganap ng sakit.
Hindi pa rin umano matukoy kung saan nagmula ang transmission ng nasabing sakit.
Nabatid na limang paaralan sa Baguio ang apektado na ng sakit, na kinabibilangan ng St. Louis University, University of Baguio, Pines City Educational College, Baguio City National High School at ang St. Louis Center. Suspendido ang mga pasok sa nasabing eskwelahan dahil sa nakitang mga sintomas ng AH1N1 sa mga estudyante.
Una nang kinumpirma ni Dr. Myrna Cabotaje, regional director ng DOH sa Cordillera na tumataas ang bilang ng mga estudyanteng nakikitaan ng sintomas ng flu sa mga nasabing paaralan.
Hindi na pinag-ukulan ng panahon ng DOH ang contract tracing sa lugar at sa halip ay mas pinaigting na lamang ang pagmonitor sa pagbibigay-lunas sa mga apektado ng virus at pagtutok sa mga pasyenteng mayroong high-risk pre-existing conditions. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending