MANILA, Philippines – Pangungunahan ngayong araw nina Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at Secretary of National Defense at National Disaster Coordinating Council (NDCC) Chair Gilberto C. Teodoro Jr. ang 3rd Quarter Nationwide Earthquake Drill.
Ang pagsasanay ay gaganapin ng alas-9 ng umaga sa Caloocan High School sa 10th Avenue. Ito ay pagtugon sa direktiba ni Pangulong Gloria Arroyo na dapat na magsagawa ng nationwide earthquake drill sa mga paaralan para makita ang kahandaan ng mga estud yante, guro at kawani ng paaralan sa panahon ng kalamidad.
Kabilang sa drill ang pagtunog ng malakas ng bell at ceremonial button at saka isasagawa ang duck cover and hold drill kung saan kailangan na maghanap ang mga estudyante ng matibay na pagtataguan at iwasan ang mga bumabagsak na bagay. Ito ay batay sa 7.2 magnitude na lindol. Kasama din dito ang pag-apula ng apoy ng mga kagawad ng Bureau of Fire Protection mula sa nasusunog na gusali at pagtulong sa mga sugatan.