2 Pinoy nagbigti sa Saudi
MANILA, Philippines – Kapwa natagpuang nakabigti ang dalawang overseas Filipino worker sa magkahiwalay na insidente at lugar sa Saudi Arabia.
Sa tinanggap na ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia, kinilala ang mga ito na sina Silviana Bacera, 47, tubong Zamboanga del Sur at Jun Breguerra, 30, isang technician at tubong Baliuag, Bulacan.
Sa paunang imbestigasyon ng Saudi Police, si Bacera na isang domestic helper ay nadiskubre ng employer nito na nakabitin gamit ang nylon cord na ipinulupot sa kanyang leeg sa kusina ng pinag-lilingkurang bahay sa Dammam.
Samantala, patay na rin nang makita ang OFW na si Breguerra sa loob ng kanyang pahingahan matapos umanong bigtiin ang sarili sa Al Khobar.
Wala pang iniuulat na motibo sa pagpapatiwakal ni Bacera habang matinding depresyon umano ang posibleng motibo ni Breguerra sa pagpapakamatay dahil sa hindi binanggit na problema.
Nakikipag-ugnayan na ang mga opisyales ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi authorities upang alamin kung may “foul play” sa naturang magkasunod na suspected suicide incient.
- Latest
- Trending