Nobyembre 20, filing na ng Certificate of Candidacy
MANILA, Philippines - Simula sa Nobyembre 20 ay maaari nang makapagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) ang mga nais na tumakbo sa nalalapit na national election sa 2010. Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, puwede nang mag-under oath ang sinumang sasabak sa 2010 para sa party-list, local at national posts.
Ipinaliwanag ni Sarmiento na itinakda ng mas maaga ang filing ng COC upang mabigyan ng sapat na panahon ang komisyon na makagawa ng paper ballots na gagamitin naman sa automated elections.
Itinakda naman mula Pebrero 9 hanggang Mayo 8, 2010 ang kampanya para sa pagka-presidente, bise presidente, senador at partylist groups habang mula Marso 26 hanggang Mayo 8, 2010 ang pangangampanya ng mga kandidato sa Kongreso, city at municipal positions.
Ang botohan sa bansa ay isasagawa sa Mayo 10, 2010, election day, mula 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi habang itinakda naman ang botohan para sa overseas absentee voters (OAV) mula sa Abril 10, 2010 (host country time) at hanggang 3:00 ng hapon ng Mayo 10, 2010 (Philippine time). (Doris Franche/Mer Layson)
- Latest
- Trending