Pag binigyan ng amnesty ang Sayyaf, AFP troops magwawala!
MANILA, Philippines - Magpupuyos sa galit sukdulang mag-alburuto pa ang tropa ng mga sundalo partikular na sa Sulu at Basilan kung pagkakalooban ng amnestiya ng pamahalaan ang mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa pamumugot ng ulo, kidnapping for ransom at pambobomba.
Ito ang inaming sentimyento kahapon ni AFP-Public Information Office Chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr. sa gitna na rin ng pagkokonsidera ng Palasyo para bigyan ng amnestiya ang mga teroristang Abu Sayyaf.
Ayon kay Brawner, hindi madali para sa mga sundalo sa ‘combat operations‘ ang itigil ang pinatinding ‘all out efforts‘ upang durugin ang mga bandido dahil marami sa mga pamilya ng mga sun dalo ang patuloy na naghahanap ng hustisya lalo na ang Marines na ang 10 sa 14 napaslang sa ambush sa Al Barkha, Basilan noong Hunyo 10, 2007 ay pinugutan ng ulo ng mga bandido.
Ang nasabing tropa ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 8 ay nagsasagawa ng search and rescue operations sa noo’y bihag na si Italian priest Giancarlo Bossi ng mangyari ang malagim na insidente.
Sinasabing nasangkot rin ang grupo ng Abu Sayyaf sa umano’y panggagahasa ng mga hostages na babae na kabilang sa 21 binihag sa Sipadan Beach Resort sa Malaysia noong April 23, 2000 kung saan ang mga ito ay itinago sa Sulu.
Sa Basilan, kabilang sa pinugutan ay ang Peruvian American hostage na si Guillermo Sobero na ang ulo ay iniregalo ng napatay na si Abu Sayyaf spokesman Aldam Tilao alyas Abu Sabaya kay Pangulong Arroyo noong Hunyo 12, 2001.
Si Sobero ay kabilang sa 20 kataong bihag na kasamahan rin nina American missionary couple Martin at Gracia Burnham na itinago sa Basilan matapos namang dukutin noong Mayo 27, 2001 sa Dos Palmas Beach Resort sa Puerto Princesa City, Palawan.
Aminado si Brawner na hati ang sentimyento ng mga sundalo pero mas marami sa mga ito ang magpupuyos sa galit at mahirap itong pigilin.
Gayunman, prerogatibo umano ni Pangulong Arroyo bilang Commander in Chief kung mapagbibigyan ang amnestiya sa mga bandido.
Naunang sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na pag-aaralan ng Malacañang ang panukala ni Sen. Richard Gordon na pagkakaloob ng amnestiya sa ASG. (Joy Cantos/Rudy Andal)
- Latest
- Trending