MANILA, Philippines - Naglabasan na sa kani-kanilang mga lungga at nag sibabaan ng bundok ang mga hayop malapit sa bulkang Mayon na posibleng maging indikasyon umano ng napipintong pagsabog ng bulkan.
Ayon kay Ed Laguerta ng Phivolcs-Albay, ang masangsang na amoy na kanilang nalalanghap o ang sulfur dioxide na ibinubuga ng bulkan na nagdudulot ng hirap nila sa paghinga ang dahilan kaya lumalayo ang mga hayop sa lugar.
Anya, naglabasan na ng kanilang mga lungga ang mga hayop katulad ng ahas, mga ibon, usa, baboy damo at iba pa dahil nakararamdam na ng sobrang init sa kanilang paligid ang mga ito at naghahanap ng ibang malilipatan.
Sa pinakahuling obserbasyon ng Phivolcs, kitang-kita na ang crater glow ng bulkang Mayon o ang nagbabagang bunganga nito.
Nilinaw naman ni Phivolcs director Renato Solidum na wala silang inirerekomendang paglilikas o evacuation sa mga residente.
Nananatili aniyang nasa alert level 2 ang Mayon at patuloy ang implementasyon ng 6 km permanent danger zone habang sa south east sector ng bulkan ay ang pagpapairal ng 7km danger zone. (Angie dela Cruz)