'Drug firm nanuhol' - Enrile

MANILA, Philippines – Inalok umano ng kum­panya ng gamot na Pfizer ang pamahalaan ng li­mang milyong discount su­lit cards na nagkaka­halaga ng P100 milyon para masagkaan ang pagpapatupad ng Chea­per Medicine Law.

Ito ang ibinunyag ka­hapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na nagsabi pa na maitu­turing na panunuhol ang ginawa ng naturang kum­panya kahit kanino pa ito inialok.

Pinabulaanan naman ni Pharmaceutical and Healt­h­care Association of the Philippines Executive Director Reinir Gloor na suhol ang diskuwentong inialok sa Department of Health baga­man tinang­gihan ito ni DOH Secretary Francisco Du­ que.

Kinuwestiyon ni Enrile kung bakit sa limang mil­yong katao lang iniaalok ang discount card at hindi sa lahat ng mamamayan. Dapat anyang ibinaba na lang ang presyo ng mga gamot.

Nilinaw pa ni Gloor na ginawa ng Pfizer ang alok sa DOH bago pa man ipinalabas noong naka­raang buwan ang listahan ng maximum retail price.

Katulad ng inaasahan, inisnab kahapon ni Pa­ngu­long Gloria Arroyo at ng iba pang opisyal ng Mala­cañang ang pagdinig ng Senate Oversight Committee on Quality Affordable Medicines na pinamu­munuan ni Senator Mar Roxas at Rep. Antonio Alvarez

Isang sulat ang ipina­dala ni Executive Secretary Eduardo Ermita na nag­sasabing wala na silang sapat na oras para dumalo sa pagdinig dahil natang­gap nila ang imbi­tasyon noon lamang na­karaang Biyernes.

Pero ayon kay Roxas, natanggap ng Office of the President ang imbi­tasyon noong Huwebes o Hulyo 9.

Kinumpirma ni Gloor na nakausap nila ang Pangulo sa Malacañang noong Hul­yo 8 pero wala umanong nangyaring sab­watan ka­tulad nang mga naunang akusasyon sa kanila.

Binigyan lang sila ng Pangulo ng 10 araw para maibaba nang 50 porsi­yento ang presyo ng mga ga­mot. (Malou Escudero)


Show comments