Pagbenta ng housing mortgage idinepensa ni Noli
MANILA, Philippines - Bahagi lamang umano nang isinasagaw ang “clean-up” o paglilinis sa sektor ng pabahay ang ginawang pagbebenta ng National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) sa mga mortgage nito sa Deutsche Bank Real Estate Global Opportunities.
Ayon kay Vice President Noli “Kabayan” de Castro, na siya ring chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), ang pagbebenta sa mortgages ay unang hakbang ng NHMFC upang “makabangon” at lubos na magampanan ang mandato sa pag-develop ng secondary mortgage market at pagsusulong na mapaunlad ang pinagkukunan ng pondo para sa housing sector.
Ipinaliwanag ng Bise Presidente na maraming borrowers ang hindi regular na nagbabayad ng kanilang loan mula sa NHMFC, sa ilalim ng Unified Home Lending Program (UHLP), isang financing program na ipinatupad ng pamahalaan.
Bunsod nito, ang P42 bilyong hiram ng NHMFC ay lumobo na sa mahigit P80 bilyon kasama na ang principal, interest at penalties, dahil hindi rin ito nakakapagbayad para sa mga delingkwenteng mangungutang.
Aniya, ang NHMFC ay walang condonation ng penalties at interest kaya’t ang naturang lumobong utang ay kinakailangan nitong bayaran ng buo sa SSS, GSIS at Pag-Ibig, sa lalong madaling panahon, sanhi upang isagawa nila ang naturang bentahan. (Mer Layson)
- Latest
- Trending