MANILA, Philippines - Bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan, isang parke na nakapa ngalan sa pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal, ang nakatakdang itatag sa New South Wales sa Australia.
Nabatid kay Philippine Consul General Eva Betita na isinagawa na ang groundbreaking ceremony na senyales nang pagsisimula ng konstruksyon ng Rizal Park na itatayo sa may 2.6 hektaryang lupain sa Campbell.
Ayon kay Betita, sinabi umano ni Campbell Town Mayor Russel Matheson na ang naturang parke ay bilang pagkilala sa kaba yanihan ni Rizal.
Layunin rin umano nito na ipakita ang isang matatag na Filipino Australian community sa Campbell na may 4,000 residente.
Simula pa noong 1988 ay kinikilala na ang naturang lupain bilang Rizal Park ngunit ngayon pa lamang pasisimulan ang pagtatatag ng parke matapos na maipalabas na ng pamahalaan ang pondo para rito.
Inaasahang magtatayo ng playground, walk paths, mga streetlight, barbeque pits, mga silungan at toilet facility sa naturang parke.
Inaasahang makukumpleto ang pagtatayo ng parke sa loob ng susunod na tatlong taon. (Mer Layson)