CARP extension sa Agosto 8 pipirmahan
MANILA, Philippines - Sa susunod na buwan na lalagdaan ni Pangu long Gloria Arroyo ang pagpapalawig sa Comprehensive Agrarian Reform bill na itataon sa Agosto 8 para gunitain rin ang ginawang paglagda ni dating Pangulong Diosdado Macapagal sa Republic Act 3844 o Agricultural Land Reform Code noong Agosto 8, 1963.
Nangako ang Kongreso sa isinagawang Legislative-Executive Development Advisory Council Meeting noong Hunyo 11 sa Malacañang na raratipikahan ang pinagsamang bersiyon ng Senado at House of Representatives ng social justice bill na sinertipikahang “urgent” ng Pangulo.
Noong 1988, naisabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Law or CARL na naging daan upang maging sarili ng mga magsasaka ang mga lupang kanilang sinasaka.
Pero nagtapos ang nasabing batas noong Disyembre 2008 kaya isang bagong panukala ang inihain upang mapalawig ito.
Sa sandaling malagdaan ng Pangulo, ang nasabing batas ay palalawigin pa sa susunod na 10 taon.
Aabot pa umano sa dalawang milyong ektarya ng lupain ang isasailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program kung saan nasa dalawang milyong magsasaka ang makikinabang.
Ayon sa Malacañang, nasa apat na milyong magsasaka na ang nakinabang sa CARP simula noong 1988. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending