MANILA, Philippines - Inutos na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang paglilikas sa mga residenteng nakatira malapit sa bulkang Mayon o sa itinuturing na permanent danger zone dahil sa nagbabadyang panganib bunsod ng pananatili nito sa alert level 2.
Ayon sa Philvocs, may senyales pa rin ang bulkan ng pagiging aktibo at maaaring sumabog at magbuga ng lava at abo, kaya naman pinaiiral na ngayon ang 6 km. Radius bilang Permanent Danger Zone sa palibot ng bulkan at hindi na rin pinapayagan na pumasok ang sinuman sa 7km extended PDZ sa southeast flank.
Maging ang mga ilog na laging dinadaluyan ng lahar ay hindi na rin pinalalapitan ng Philvocs sa publiko, lalo na at mayroong sama ng panahon at matindi ang buhos ng ulan at ang pag-akyat sa bulkan ay di na rin pinapayagan.
Samantala, sinabi naman ni Office of Civil Defense Administrator Glenn Rabonza na handa na rin ang gobyerno sakaling tuluyan ng sumabog ang Mayon matapos na makipagpulong ito sa mga local na opisyal ng Albay para makagawa ng naturang hakbang.
Nakipag-ugnayan na rin ang OCD sa Philippine Army, Philippine Navy at PNP hinggil sa mga sasakyang kakailanganin kung tuluyan ng magkaroon ng ‘mass evacuation’ .
Samantala, isinara na rin ang daan patungo sa mga tourist spot na sakop ng Mayon, tulad ng Mayon Planetarium & Science Park na 3.5km ang layo mula sa crater ng bulkan, bagkus ay inirekomenda na lang ang ibang lugar dito gaya ng Ligñon hill at Legazpi City airport dahil makikita rin ang kabuuan ng Mayon bunga ng pag-aalburoto nito.
Una ng natabunan ang buong Cagsawa sa Daraga kabilang ang simbahan dito ng sumabog ang Mayon noong Pebrero 1814 at nagbuga ng nagbabagang lava na nagresulta sa pagkamatay ng 1,200 katao.