Bayong mas 'in' ngayon
MANILA, Philippines - Ipatatangkilik ng Department of Trade and Industry ang paggamit ng bayong bilang pambansang “bag” dahil sa patuloy na pagtaas ng demand nito sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Ayon kay DTI Undersecretary Merly Cruz, lumaki ang demand ng bayong mula sa mga katabing bansa sa Asia, Europa at Estados Unidos dahil na rin sa pag-iwas sa paggamit sa mga plastic bags na sumisira sa kalikasan.
Bunsod nito, umaasa ang DTI na magmumula sa Pilipinas ang malaking bulto ng supply nito para i-export sa ibang bansa dahil na rin sa pulido at matibay na pagkakayari nito. Kaya naman posibleng ang bayong na ang maging kapalit ng mga plastic bags na ginagamit ng mga tindahan at malls.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang DTI sa mga kooperatiba, iba’t-ibang organisasyon at mga negosyante sa bansa na gumagawa ng bayong para makapagbigay ng sapat na supply sa merkado.
Hihilingin pa ng DTI sa Department of Education na isama bilang bahagi ng Home Economics subject ang paggawa ng bayong dahil isa ito sa maaaring maging trabaho sa mga barangay. Ang mga bayong na mula sa Pilipinas ay matitibay dahil na rin aniya sa yari ang mga ito sa buri o dahon ng anahaw. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending