MANILA, Philippines - Pinasisibak ni Senador Ramon “Bong” Revilla kay Public Works and Highways Secretary Hermogenes Ebdane Jr., ang isang opisyal nito dahil sa illegal na pananatili sa kanyang posisyon.
Ayon kay Revilla, dapat ng tanggalin bilang Officer-in-Charge ng Department of Public Works and Highways -Project Management Office for Special Buildings at pagiging Executive Director ng National Building Code Development Office si Architect Emmanuel Cuntapay dahil tatlong taon na ito dito at malinaw na nilalabag nito ang DPWH-Department Order 114.
Sa ilalim ng nasabing batas, nililimitahan lang sa isang taon ang pananatili ng isang OIC, bukod pa sa kawalan umano nito ng career service executive eligibility noong panahon na itinalaga ito ni Sec. Ebdane noong September 5, 2005.
Hindi rin aniya kuwalipikado si Cuntapay bilang executive director ng NBCDO dahil tanging ang mga third level career service executive lang ang dapat na maitalaga na mataas sa posisyon ng division chief.
Bukod kay Ebdane, hi niling din ni Revilla kay Pangulong Gloria Arroyo ang agarang pagpapasibak kay Cuntapay. (Rudy Andal)