MANILA, Philippines – Oobligahin pa rin ng Commission on Election ang mga guro sa bansa na magserbisyo bilang Board of election inspectors sa darating na 2010 election kahit automated na ang halalan.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, sa ilalim ng batas ang mga guro ang dapat na magsilbi sa election kaya ito ay maituturing na mandatory.
Nilinaw ni Jimenez na hindi madedesisyunan ng Comelec ang bagay na ito at kinakailangan pa itong aprubahan ng kongreso. Ang pahayag ay ginawa ni Jimenez dahil na rin sa kahilingan ng mga guro na gawin na lang optional ang kanilang paninilbihan tuwing election.
Una ng inirereklamo ng mga guro ang matagal na kanilang pagseser bisyo at pagkaantala ng kanilang suweldo tuwing eleksiyon.
Ngunit ipinaliwanag ni Jimenez na dahil automated na ay isang araw na lang ang gagawing serbisyo ng mga ito kumpara noong manual election na tumatagal sila ng 3-araw at hindi rin babawasan ang hazard pay ng mga ito.
Sa darating na Oktubre o Nobyermbre na sasanayin ang mga guro para maging BEI sa kauna-unahang automated election sa bansa. (Mer Layson)