PASG pumalag sa OMB
MANILA, Philippines - “Kayo ang nagsimula, tatapusin namin”.
Ito ang idiniin ni Presidential Anti-Smuggling Group Chief Antonio Villar Jr. matapos silang akusahan ni Optical Media Board Chairman Edu Manzano na ang PASG umano ang nasa likod ng pagkawala ng replicating machines na nakumpiska ng OMB sa Quezon City.
“Kung kami ang itinuturo kahit malinaw na OMB ang may kagagawan, wala kang magagawa kundi pabulaanan ito,” sabi ni Villar.
Ayon kay Villar, direktang sinabi ng OMB sa programang XXX sa ABS-CBN noong June 27 na ang PASG umano ang nasa likod ng pagkawala ng kinumpiskang replicating machines.
“Hindi kami nakikipag-away kaninuman pero kailangang ipagtanggol namin ang aming sarili,” sabi pa niya.
Naniniwala si Villar na malilinawan at lalabas din ang katotohanan kaugnay sa pagkawala ng nasamsam na replicating machines.
Sinabi ni Villar na, noong gabi ng April 2, sinalakay ng mga tauhan ng PASG at OMB ang isang gusali sa 71 De Je sus St., Barangay San Antonio, SFDM, Quezon City makaraang makatanggap sila ng impormasyon na isang Trajano Tin Fu alyas Ahok ang gumagawa rito ng mga iligal o piniratang CD at DVD.
Nadakip sa naturang lugar sina Ramil Ritua, Ana Marie Lourdes, Manuel at Malaysian national at Operations Engineer Teo Choon Siong. Hindi naabutan ng mga awtoridad si Trajano.
Batay sa pahayag ng PASG, ang OMB ang humiling sa korte na makuha nito ang replicating machine at ibang ebidensyang nakumpiska sa naturang gusali. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending