Automation ituturo sa mga botante
MANILA, Philippines - Bagama’t nagkasundo na ang Total Information Management (TIM) at Smartmatic kamakalawa hinggil sa kontrata ng poll automation, wala namang katiyakan na hindi na magbabago ang isip ng mga ito kung kaya’t ginagawa na ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat upang matugunan ang lahat ng mga problemang posibleng dumating.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, walang garantiya na wala ng magiging problema sa pagpapatupad ng poll automation. Ito aniya ang dahilan kaya lahat ng paghahanda ay ginagawa na para hindi madiskaril ang halalan sa 2010.
Iginiit din ng opisyal na proyekto ito ng Comelec at hindi ng sinumang negosyante kaya responsibilidad nilang bantayan ang magiging kahinatnan ng eleksyon.
Samantala, minamadali na ngayon ng komisyon ang pagsasapinal ng mga kinakailangang paghahanda para sa poll automation sa 2010. Ani Jimenez, ngayong Hulyo sisimulan na nila ang pagpapakilala sa publiko sa bagong sistema ng halalan.
Ayon kay Jimenez, kailangang maipaliwanag at maipakita sa mga botante ang mga gagamiting computers at bagong balota para magiging maayos ang gaganaping botohan at bilangan.
Tuturuan din umano ang mga botante sa tamang pagboto at kung paano gamitin ang espesyal na uri ng ballpen sa pagmamarka ng mga balota. (Doris Franche)
- Latest
- Trending