Senado tinamaan na rin ng A(H1N1)

MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na may tinamaan na ring empleyado ng A(H1N1) virus sa Senado.

Pero agad nitong nilinaw na walang dapat ikabahala ang lahat dahil magaling na umano ang nasabing empleyado na ayaw niyang tukuyin ang kasarian.

“There’s no reason to be alarmed,” sabi ni Enrile.

Ang unang biktima ng H1N1 virus sa Senado ay nagmula sa Senate Economic Planning Office na nasa Rm 513 o ika-limang palapag ng Senado.

Bilang pag-iingat, sinabi ni Enrile na nagbigay na siya ng awtorisasyon para sa pagpapalabas ng pondo na gagamitin sa pagbili ng mga kinakailangang materials na panlaban sa H1N1 katulad ng alcohol, face mask, at temperature measurement.

Lahat umano ng taong papasok at lalabas sa Senate building ay kukunan ng temperature maging ang mga senador.

Ayon pa kay Enrile, hinihinalang sa ‘community’ ng biktima nakuha nito ang virus.

Idinagdag ni Enrile na magpapatuloy ang operasyon ng Senado at walang dahilan para suspendihin ang pasok ng mga empleyado.

Pinayuhan pa ni Enrile ang lahat na uminom ng mara­ming calamansi juice dahil mabisa umano itong panlaban sa H1N1 base na rin sa payo sa kanya ng pinuno ng Institute for Tropical Medicine. (Malou Escudero)

Show comments