Expiry date ng cellphone load pinahaba
MANILA, Philippines - Pinahaba ng National Telecommunications Commission ang expiration dates ng mga prepaid cards o load ng cellphones.
Sa ipinalabas na circular NO 03-07-2009 ng NTC, mas magiging mahaba ang validity period ng mga loads kung saan ang load na P10 o mas mababa pa rito ay valid para sa tatlong araw mula sa dating isang araw na expiration.
Ang load na may mahigit sa P10 hanggang P50 ay maaaring magamit sa loob ng 15 araw habang ang load na may halagang P50 hanggang P100 ay tatagal ng hanggang 30 araw.
Ang loads na P100 hanggang P150 ay mag-e-expire ng 45 araw habang ang load na may halagang P150 hanggang P250 ay may expiration date hanggang 60 araw at ang mahigit na P250 hanggang P300 load ay balido hanggang 75 araw habang ang mahigit P300 load ay tatagal ng 120 araw.
Ang bagong kautusang ito ng NTC ay epektibo 15 araw matapos na maisapubliko sa alinmang pahayagan sa bansa.
Ayon kay NTC Commissioner Ruel Canobas, tatanggalin na rin ng mga Telcos ang P1.00 singil sa kanilang balance inquiry service.
Sa ngayon, ang P10 load ay valid lamang ng isang araw habang ang P30 load ay 3 araw, P200 load ay 30 araw at ang P300 load ay tatagal lamang ng 60 araw. (Angie dela Cruz/Danilo Garcia)
- Latest
- Trending