Iba pang whistleblower nadamay kay Lozada
MANILA, Philippines – Nadamay ang ibang whistle-blower na pinababantayan ng Senado sa napabalitang paglalaro ng golf ni NBN-ZTE star witness Rodolfo “Jun” Lozada Jr. kamakailan dahil sila ang natanggalan ng security escort.
Ayon kay Dante Madriaga, isa ring testigo sa national broadband scandal, inalis na ng Office of the Ser geant at Arms ng Senado ang nakatalaga sa kanyang dalawang security escort base sa kautusan ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Pero ayon sa isang source, kahit tinanggal ang security escort ng ibang whistle-blower ni Madriaga, nanatili pa ring may security escort si Lozada na binawasan lamang at ginawang apat.
Walo dati ang escort ni Lozada bago napabalita ang paglalaro niya ng golf kung saan ginamit pa niyang caddie ang isa sa kanyang mga security man na itinalaga ng Mataas ng Kapulungan.
Hindi naman maitago ni Madriaga ang pagkadismaya dahil sa pagkakaalis ng dalawang security sa kanya nang walang abiso.
Maging ang isang service vehicle umano na itinalaga para sa kanya ay tinanggal na rin.
Bukod kay Madriaga, tinanggalan din ng security escort ang iba pang whistleblowers na sina ex-T/Sgt. Vidal Doble, testigo sa wiretapping ng Hello Garci scandal at Jose Barredo, testigo sa fertilizer scandal. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending