Presyo ng karne, gulay nagtaasan

MANILA, Philippines – Nakatakdang pulungin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang National Price Coordinating Council (NPCC) hinggil sa pagtaas ng presyo ng baboy, manok, gulay ay LPG.

Batay kasi sa ulat, nasa P150 na ang presyo ng kada-kilo ng karneng manok, habang ang baboy naman ay umaabot na rin sa halos P200 ang kada-kilo nito.

Ayon naman sa United Broiler Raisers Association na ang pagkakaroon ng “shortage” sa supply ng manok at pagtaas na rin ng presyo ng sisiw nito ang isa sa dahilan ng pagtaas sa halaga ng karne nito.

Nabatid kasi na ang dating P18 na presyo ng kada isang sisiw ng manok, sa ngayon ay nasa P30 na ang kada isa.

Apektado din ang presyo ng itlog na tumaas ng halos P20 ang kada-dosena.

Ang iba namang bilihin gaya ng mga gulay na pechay, ampalaya, talong, repolyo, carrots at iba pa ay nagtaas din ng P10-P15 ang kada-kilo.

Bunga nito, ay ipapatawag ng DTI ang NPCC, mga suppliers at malalaking retailers upang pagpapa­liwanagin sa nasabing pagtaas sa presyo ng naturang mga produkto. (Rose Tamayo-Tesoro)


Show comments