Mga bangkay sa 'Princess' huhukayin
MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Independent Forensic Group (IFG) sa paghukay sa mga hindi pa nakikilalang bang kay na mga biktima ng lumubog na MV Princess of the Stars.
Ito ay makaraang katigan ni Cebu Regional Trial Court Branch 10 Judge Soliver Peras ang isinumiteng “Ex-Parte Motion for Exhumation” ng Public Attorney’s Office (PAO) na humihiling na mapahintulutang mahukay ang mga bangkay dahil na rin sa kahilingan ng mga kamag-anak ng mga biktima.
Binigyan ng 3-araw ng Korte ang IFG para magsumite ng kanilang plano hinggil sa kanilang gagawing paghuhukay o “plan of exhumation and identification” at kung gaano katagal gagawin iyon.
Samantala, sinabi ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta, maging ang labi ng kapitan ng barko na si Capt. Florencio Marimon ay kasama rin na huhukayin ngunit hindi muna nila pagbibigyan ng panahon ang bangkay nito bagkus ay ang mga labi muna ng mga kaanak ng 40 biktima.
May mga lumalabas kasi umanong ulat na hindi ang naturang kapitan ang una ng nailibing dahil wala naman umanong naghahanap na kaanak dito. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending